Sabado, Marso 2, 2013

Magkabilaan



 May kanya-kanyang pagtingin ang bawat tao na naaayom sa kanilang pagkilos,pandama at ito ay nagreresulta ito ng pagpuna sa iba’t-ibang bagay tulad na lang dito sa unang liriko ng kanta,na ang katotohanan daw ay may dalawang mukha, ang tama sa iyo ay mali sa tingin ng iba, may puti, may itim, liwanag at dilim may pumapaibabaw at may pumapailalim. Na  ang ibig sabihin, bawat tao sa ating bansa ay may sariling pag iisip kung aano nyo bibigyang kahulugan ang isang bagay gamit ang kanyang pananaw at sariling opinyon. Mayroong mataas at mayroong mababa. Base dito sa kanta, ipinapahiwatig nito ang kalagayan ng mga tao sa mundo na sa ating bansa, ang posibilidad na nararapat mangyari o nangyayari sa loob ng isang mundo. Sabi nga sa kanta na magkaibigan ang mundo dahil sa kiulos o galaw natin ay may kaakibat na posibilidad na mayroong kasalungat o epekto ng isang pangyayari. Responsibilidad na kailangan nating ginagamit bilang isang tao na binigyan ng pagkakataong mabuhay.
           Tunay na napakasayang isipin na may isa tayong mundo na pare parehas nating ginagalawan subalit hindi natin napapansin na sobra na pala. Madami na palng problemang dapat ayusin. Masyado na pala tayong nasisiyahan, hindi na natin lubos maisip na tapos na pala, huli na pala ang lahat. Wala na tayong inaasam na pagbabago, bulok na pala ang sistema nating mga tao. Kaya dapat tayo’y magkaisa na baguhin natin ang araw-araw nating nakakasanayan, ituwid ang mga mali at linangin pa ang mga tama.

Ang Kapangyarihan ng Wika, Ang Wika ng Kapangyarihan


 
Hanggang ngayon, hindi ko maintindihan kung bakit kinakausap natin ang ating mga aso sa wikang Ingles. Wala kang naririnig na nagsasabing, “Upo, Bantay, upo,” o “Habol, Kidlat, habol.” Ang maririnig mo ay “Sit, Rover, sit,” o “Fetch, Fido, fetch.” O kung poodle, Fifi. Kung sa bagay tayo mang mga taong Filipino ay may mga pangalang Rover, Fido, at Fifi, kaya hindi nakapagtatakang pangalanan din natin ang ating mga aso ng ganoon.  
Ang nakapagtataka ay kung bakit kinakausap natin sila sa Ingles. Ibig sabihin, kakaiba ba ang korte ng kanilang mga utak at natural silang sumusunod sa mga utos sa Ingles? Ang tinig ba ng Ingles ay hawig sa mga tunog na ginagawang silent dog whistle? 
Ipauubaya ko sa mga dalubhasa sa sikolohiya ng hayop ang pagpapaliwanag nito. Pero may punto rito. At ang punto ay ito: marami at sari-sari ang gamit ng wika; hindi lamang bilang isang paraan ng komunikasyon ng dalawang tao. Sa tingin ko, lubos na simplistiko ang paniniwalang ang wika ay isa lamang kasangkapan sa komunikasyon. Sa tingin ko, lubos na simplistiko ang paniniwalang ang tanging papel na ginagampanan ng wika sa lipunan ay ang pagbibigay-daan sa palitan ng mga idea ng mga tao sa lipunang iyon. 
Totoong ang isang wika ay isa ring paraan o kasangkapan sa komunikasyon. At bagama’t isang bahagi lamang ito ng kabuuan ng wika ay malaking bahagi ito. Sa bagay na ito, malaki ang halaga ng Ingles bilang isang paraan ng komunikasyon. May punto ang mga nagsasabi sa atin na hindi natin maaaring kaligtaan ang Ingles. Talaga namang hindi. Ang Ingles ay ang ating susi–o sabi nga ng mga bata, ang ating “connect”–sa mundo. Ito ang ating susi sa pandaigdigang impormsyon. Lalong-lalo na sa panahong ito na masasaksihan natin ang isang “information explosion” na likha ng computers. Malamang ay narinig na ninyo ang Internet, ang pandaigdigang electronic board para sa lahat ng uri ng impormasyon. Sa pamamagitan ng Internet ay maaari nating ma-access pati na ang US Library of Congress at mag-research doon. Maaari din tayong makapanood ng sine o retratong bomba. Walang MTRCB sa Internet. 
Pero kailangan pa rin ang Ingles para mapakinabangan ang mga biyayang ito. Bagama’t ang computer programs ay nagiging mas graphic na kaysa word-based—gumagamit ng icons kaysa salita—kailangan pa ring magbasa kahit katiting. At ang iskrip ay sa Ingles. Bukas ang information highway sa anumang uri ng sasakyan, kahit kariton, pero nakasulat sa Ingles ang mga signs sa kalye. Pag hindi tayo marunong mag-Ingles, mawawala tayo sa kalye. At talaga namang pagkalalawak ng mga kalye rito.
Pero huwag nang isipin ang Internet; isipin na lang ang simpleng paglalakbay. Kailangan pa rin ang Ingles—maliban na lang kung sa Pilipinas ka lang maglalakbay. At kung tutuusin, hindi bale na rin ang mundo—o ang pisikal na paglalakbay sa mundo na maaaring magawa ng iilang Filipino lamang. Isipin na lang ang paglalakbay ng isip na magagawa sa pagbabasa, panonood ng sine, pakikinig ng balita. Kailangan pa rin ang Ingles—liban na lang kung ang papanoorin lang ay mga sine ni Silvester Stallone.
Walang duda na kailangan natin ng Ingles. Walang duda na mahalaga ang Ingles. Subalit, dito man ay marami nang mga maling akala tungkol sa kahalagahan ng Ingles. Isa sa mga maling akalang ito ay ang paniniwalang ang Ingles ay ang susi sa kaunlarang pang-ekonomiya. Ito ang paboritong argumento ng mga nagtataguyod ng Philippines 2000. 
Pinabubulaanan ito ng Thailand. Mahirap kumilos sa Bangkok hindi lamang dahil sa ang sulat dito ay sulat-bulate, ayon nga sa isang kaibigan, kundi dahil iilan lamang ang marunong mag-Ingles. Iba pa kung paano nila bigkasin ang Ingles, na talaga namang papawisan ka ng dugo bago mo maintindihan. Kahit na hotel clerks ay hindi makapag-Ingles ng diretso. Ang pinakamadaling paraan para makapagtalastasan sa taxi driver at tindero ay sign language. 
Pero gayumpaman, ang Thailand ay isang tigre, samantalang tayo, na ipinangangalandakan ang ating Ingles, ay isang basang-sisiw lamang. Ayon kay Peter Limqueco, isang kaibigan na nag-eedit ng isang diyaryo sa Bangkok. Pumapangalawa lamang ang Thailand sa Japan sa computer technology sa Southeast at South Asia. Makikita ang ebidensiya ng kaunlaran sa Bangkok—sa mga gusali, sa mga skyway, sa mga pagawaan. Ang kaunlaran dito, ayon kay Peter, ay hindi sinusukat sa taon kundi sa buwan. Mawala ka lang ng ilang buwan at nagbago na ang itsura ng lugar. 
Bale ba, bagama’t hindi marunong mag-Ingles ang mga Thai ay higit na malaki ang kanilang turismo kaysa atin. Ihambing mo ang turismo nila at turismo natin at parang pinaghahambing mo ang daga at elepante. Ang bilang ng mga turistang pumapasok sa atin sa isang taon ay ang bilang ng turistang pumapasok sa Thailand sa isang buwan. Malinaw na ang mga tao ay bumibisita sa ibang bansa hindi dahil sa kaalaman ng mga mamamayan doon ng Ingles. 
Subalit hindi pa ito ang problema sa Ingles. Sapagkat gaya ng nasabi ko kanina, hindi lamang isang paraan ng komunikasyon ang wika. Lalong-lalo na ang Ingles. Lalong-lalo na sa bansang ito. Ang Ingles ay hindi lamang isang paraan para makapag-usap; ito ay isa ring paraan para makapaghari. Hindi lamang ito isang susi sa impormasyon; isang susi ito sa kapangyarihan. Ang Ingles ay kapangyarihan sa isang paraan na higit pa sa karaniwang kahulugan na kapag matatas kang magsalita ay may kapangyarihan ka sa kaligiran mo. Kapangyarihan ang Ingles sa isang payak o literal na paraan. Marunong kang mag-Ingles, makararating ka sa itaas. Hindi ka marunong mag-Ingles, mauuwi ka sa pagiging kargador. 
Sa bansang ito, hindi lamang salita ang Ingles kundi orasyon, na pinanghahawakan ng isang kaparian. Ano man ang sabihin mo, matino man o hindi, kapag sinabi mo sa Ingles ay nagkakaroon ng bigat, o halaga. Ang “marunong mag-Ingles” ay hindi lamang palatandaan ng kagalingan sa lengguwahe. Palatandaan ito ng kaalaman, ng pagkakaroon ng “class,” ng pagkakaiba sa karaniwang mamamayan. Kapag sinabi mo ang isang bagay sa Ingles ay tila pinag-isipan mo ito ng malalim. 
Siguro ito ang dahilan kung bakit kinakausap natin ang ating mga aso sa Ingles. Siguro, akala natin, kapag nag-Ingles ka, aso man ay seseryosohin ka.
Sa mula’t mula pa ay nasapol na ng mga Kastila ang katotohanang ang wika ay kapangyarihan, at sinikap nilang pakinabangan ang kapangyarihang ito sa pamamagitan ng pagkakait sa mga Indio ng salitang Espanyol. Kung sa bagay, sa umpisa ay hindi ito tuluyang sinadya. Nakita ng mga misyonerong kagaya ni Pedro Chirino na mas madaling pag-aralan ang mga salitang indio kaysa turuan sila ng Espanyol. Mas madaling turuan ang mga Indio ng Kristiyanismo sa pamamagitan ng kanilang mga wika kaysa Espanyol. Makikita rin ang mga bagay na ito nina Mike Velarde at iba pang mga matagumpay na “misyonero” sa kasalukuyan. Sa bandang huli na lamang sadyang ipinagbawal ng mga Kastila ang wikang Espanyol sa mga eskuwelahan at iba pang institusyon ng mga Indio. Ito ay para ipuwera sila sa alta sosyedad at tuloy sa pagpapalakad ng bayan. 
Iba ang naging karanasan ng mga bansa sa America Latina. Kaiba sa Filipinas, ang mga bansang ito ay naging settler colonies, o mga kolonyang tinirahan ng mga taong galing sa kanluran. Para matirhan ang madaming lugar dito ay pinagpapatay ng mga settler o kolonyalista ang katutubong populasyong Indio. Isang malinaw na kaso ng genocide. Umusbong ang isang populasyong creole, na galing sa mga dayong Espanyol at nagsasalita ng Espanyol. 
Naunawaan ng mga Espanyol na ang wika ay kapangyarihan pero nagkamali sila sa pagsasamantala nito. Ang mga Amerikano ang makakikita ng wastong pagsasamantala nito. Ito ay hindi ang pagkakait ng wikang kolonyal sa mga Indio kundi ang pagpapalaganap sa kanila nito. Ang pagkakait ng mga Espanyol ng wikang Espanyol sa mga Filipino ay hindi nakapagpabait sa mga Indio. Naging rebelde sila. Ang pagtuturo ng Ingles sa mga Filipino ay hindi nakapagrebelde sa kanila. Naging masunurin sila.
Ito ang totoong problema sa Ingles, ang dahilan kung bakit hindi natin dapat akalaing ito ay isang purong grasya. Malinaw sa ating kasaysayan na ang Ingles ay hindi lamang naging paraan ng komunikasyon kundi paraan ng kolonisasyon. Ang Ingles ay hindi naging paraan para sa pag-uusap ng mga mamamayan. Naging paraan para ito ay sa paghahati ng mga mamamayan. Ang tanging diyalogo na ginawa nito ay ang diyalogo sa pamamagitan ng pamahalaang kolonyal at ng lokal na naghaharing-uri. Kasunod sa kaputian ng balat, ang galing sa paggamit ng Ingles ay naging pasaporte sa sirkulo ng kapangyarihan. 
Nalikha ng mga Amerikano sa pamamagitan ng Ingles ang isang naghaharing-uri na sumasawsaw sa kanilang kultura. Ang wika ay hindi lamang koleksiyon ng mga salita at mga paraan sa paggamit nito. Ang wika ay isang buhay na bagay. Tumutubo ang wika mula sa puso ng isang bayan. Sumususo ang wika sa pambansang kasaysayan at karanasan. Ang pag-aral ng Ingles ay hindi lamang pagkabisa ng mga salita at paggamit nito. Ang pag-aral ng Ingles ay pagbabad sa kultura na lumikha nito. 
Alam ko. Bilang isang manunulat sa Ingles, alam ko na para ka magkaroon ng kumpiyansa sa salitang iyon ay kailangan angkinin mo ang kaluluwa noon. Hindi lamang grammar at syntax ang wika. Ang wika ay kultura at sensibilidad. 
Kung tutuusin, ang wika ay hindi laging nagdudulot ng komunikasyon. Kung minsa, nagdudulot ito ng kawalan ng komunikasyon. Malinaw na malaki ang ambag ng Ingles sa pangalawa. Higit tayong pinaghiwalay kaysa pinag-isa nito. Makikita ang puwang sa lipunan sa ating mga sine, ang pinakapopular na uri ng entertainment dito sa atin. Kapag mayaman ang pamilya ay tiyak na Ingles ang dialogue. Kapag katulong ang karakter ay mag-tatagalog, lalong-lalo na ang tipong may puntong Batangas o Bulacan. Para maging class ang dating, ang mga artista mismo ay sumasagot sa Ingles sa mga interview. Bagama’t sikat siya sa labas, si Melanie ay laging magiging api rito dahil hindi siya marunong mag-Ingles. 
Ano ang dapat gawin? Paano natin pagtutugmain ang pangangailangan natin sa Ingles sa isang banda at ang pangangailangan natin ng isang wikang magbubuklod sa atin sa kabila? 
Ang sagot ay ang pagpapalakas ng wikang pambansa. Ang wikang iyan ay hindi maaaring maging Ingles. Iyan ay isang kaso ng, sabi nga sa Ingles, the “tail wagging the dog.” Hindi maaaring ipagpag ng buntot ang aso. Ang pambansang wika ay maaari lamang maging Filipino. 
Ang maling akala, o fallacy, ay ang paniniwalang kapag gustgo mong palakasin ang Filipino ay gusto mong pahinain ang Ingles. Hindi totoo iyan. Gusto nating palakasin ang Filipino, pero gusto rin nating palakasin ang Ingles—bilang pangalawang lengguwahe, o second language. Ang mahalaga ay ang katagang “pangalawa” or “second.” Hindi maaaring maging una ang Ingles. 
Makikita natin sa halimbawa ng Thailand at iba pang mga bansag Asyano na hindi lamang ito posible kundi kailangan, Ayon sa mga nagtataguyod ng Philippines 2000, ang mga bansang ito sa kasalukuyan ay puspusang nagpapalaganap ng Ingles: bakit tayo pupunta sa kabilang direksiyon? Simple. Dahil sa kung ang mga bansang ito ay kasalukuyang nagpapalaganap ng Ingles, ito ay dahil sa mayroon na silang sarili nilang wika—Thai, Bahasa, Intsik, Hapon, Koreano. Bagama’t puspusan nilang itinutulak ang pag-aaral ng Ingles, wala sa mga bansang ito ang magpupumilit na palitan ang sariling wika ng Ingles. 
Kung bumisita ka sa ibang bansang Asyano, o Arab, ang unang maiisip mo ay kung gaano tayo kaiba sa kanila. Hindi tayo ang rule, tayo ang exception. Ang mga higanteng diyaryo sa mga bansang ito ay nasa wikang pambansa. Iilan lamang ang nasa Ingles, at ito ay nakatutok sa mga banyaga. Hindi aksidente na mas marami ang mambabasa ng mga diyaryong Thai, Arab, Bahasa. Natural na gustong basahin ng mga tao ang naiintindihan nila.
Maaaring ang mga bansang ito ay puspusang nagtuturo ng Ingles, pero matapos lamang silang magkaroon ng isang matatag at malusog na wikang pambansa, isang wikang pinagmulan ng national discourse, o usapang pambansa, isang wikang pinagmumulan ng kanilang puri at karangalan. Ganito nila nagagamit ang Ingles habang naiiwasan ang alienating effects nito.
May kaibhan sa paghango at pagpapalit, may kaibhan sa paghiram at sa pagkopya. “God bless the child that’s got his own,” ayon nga sa isang kanta. Totoo iyan hindi lang para sa mga indibidwal kundi para rin sa mga bansa. Ang ibang bansa ay mayroong pinanghahawakan, tayo ay wala. Sila ay humahango at humihiram, tayo ay nagpapalit at kumokopya. At tingin natin sa sarili natin ay cosmopolitan tayo. Hindi ito pagiging cosmopolitan, ito ay simpleng pagiging uprooted. 
Bakit hindi Filipino Engllish bilang wikang pambansa? At ano naman ang gamit sa atin ng Ingles na tayo lamang ang nakakaintindi. At kung tutuusin, ano naman ang naging ambag ng Filipino English—ang mga salitang “aggrupation” at “actuation”? Walang ganyang mga salita sa Ingles. Ang mga salita doon ay “group” at “action.” 
Ang Filipino ba ay mayamang wika? Kaya ba nito ang seryosong diskusyon? Makikita natin sa mga talk show sa TV—salamat sa pinasimulan ng Public Forum—na ganito na nga. Sayang lamang at hindi pa ito nagyayari sa diyaryo. Ang Filipino ay lengguwahe lamang ng mga tabloids at hindi broadsheets. 
Kung tutuusin, ano ba naman ang likas na mahusay na wika? Bago dumating si Goethe, mahusay lamang ang Aleman para sa barbarians. Bago dumating si Pushkin, ang Russian ay mahusay lamang para sa pag-toast ng vodka. At bago dumating si Shakespeare, ang Ingles ay mahusay lamang sa isang sakop. Ang husay ng lengguwahe ay nasa mga taong gumagamit nito. 
Ang paborito ko pa ring kuwento rito ay ang isang direktor ng teatro na minsan ay tinanong ng isang estudyanteng pa-wers-wers: “Talaga bang epektibo ang Filipino sa teatro?” Sumagot ang direktor, “Putang ina mo.” Namutla ang estudyante at dali-daling umalis. 
“Tingnan n’yo,” sabi ng direktor sa kanyang crew, “epektibo ang Filipino sa teatro.” 
*

Gwapigs


Pimples


Braces


Hari ng Tondo



Kahit sa patalim kumapit
Isang tuka isang kahig
Ang mga kamay na may bahid ng galit
Kasama sa buhay na minana
Isang maling akala na ang taliwas kung minsan ay tama
Ang hari ng Tondo, hari ng Tondo
Baka mabansagan ka na hari ng Tondo
Hari ng Tondo, hari ng Tondo-ohhh
Baka mabansagan ka na hari ng Tondo

[Voice: "May gatas ka pa sa labi, gusto mo nang mag-hari dito sa Tondo?"]

Minsan sa isang lugar sa Maynila
Maraming nangyayari
Ngunit takot ang dilang
Sabihin ang lahat
Animo'y kagat-kagat
Kahit itago'y 'di mo pwedeng pigilin ang alamat na umusbong
Kahit na madami ang ulupong
At halos hindi iba ang laya sa pagkakulong
Sa kamay ng iilan
Umaabusong kikilan
Ang lahat ng pumalag
Walang tanong
Ay kitilan ng buhay
Hukay, luha'y magpapatunay
Na kahit hindi makulay
Kailangang magbigay-pugay
Sa kung sino mang lamang
Mga bitukang halang
At kung wala kang alam
Ay yumuko ka nalang
Hanggang sa may nagpasya
Na sumalungat sa agos
Wasakin ang mga kadena na siyang gumagapos
Sa kwento na mas astig pa sa bagong-tahi na lonta
Sabay-sabay nating awitin ang tabing na tolda

Kahit sa patalim kumapit
Isang tuka isang kahig
Ang mga kamay na may bahid ng galit
Kasama sa buhay na minana
Isang maling akala na ang taliwas kung minsan ay tama
Ang hari ng Tondo, hari ng Tondo
Baka mabansagan ka na hari ng Tondo
Hari ng Tondo, hari ng Tondo-ohhh
Baka mabansagan ka na hari ng Tondo

[Voices: "Sino ang may sabi sa inyo na pumasok kayo sa teritoryo ko? Amin ang lupang ito." "Hindi, kay Asiong!"]

Nilusong ang kanal na sa pangalan niya'y tumawag
Alang-alang sa iba, tsaka na muna ang paawat
Sa maling nagagawa na tila nagiging tama
Ang tunay na may kailangan ang siyang pinatatamasa
Lahat sila'y takot, nakakapaso ang 'yong galit
Mga bakal na may nagbabagang tinggang papalit-palit sa hangin na masangsang
Nakakapanghina ang nana at hindi mo matanggal na para bang sima ng panang
Nakakulawit subalit sa kabila ng lahat
Ay ang halimuyak lamang ng nag-iisang bulaklak
Ang siyang tanging naghahatid sa kanya sa katinuan
At hindi ipagpapalit sa kahit na sinuman
Ngunit nang dumating ang araw na gusto na niyang talikuran
Ay huli na ang lahat
At sa kamay ng kaibigan
Ipinasok ang tingga
Tumulo ang dugo sa lonta
Ngayon, alam niyo na ang kwento ni Asiong Salonga

Kahit sa patalim kumapit
Isang tuka isang kahig
Ang mga kamay na may bahid ng galit
Kasama sa buhay na minana
Isang maling akala na ang taliwas kung minsan ay tama
Ang hari ng Tondo, hari ng Tondo
Baka mabansagan ka na hari ng Tondo
Hari ng Tondo, hari ng Tondo-ohhh
Baka mabansagan ka na hari ng Tondo

Upuan


Upuan
ni Gloc-9
Kayo po na naka upo,
Subukan nyo namang tumayo
At baka matanaw, at baka matanaw na nyo
Ang tunay na kalagayan ko

Ganito kasi yan eh...

Verse 1:

Tao po, nandyan po ba kayo sa loob ng
Malaking bahay at malawak na bakuran
Mataas na pader pinapaligiran
At naka pilang mga mamahaling sasakyan
Mga bantay na laging bulong ng bulong
Wala namang kasal pero marami ang naka barong
Lumakas man ang ulan ay walang butas ang bubong
Mga plato't kutsara na hindi kilala ang tutong
At ang kanin ay simputi ng gatas na nasa kahon
At kahit na hindi pasko sa lamesa ay may hamon
Ang sarap sigurong manirahan sa bahay na ganyan
Sabi pa nila ay dito mo rin matatagpuan
Ang tao na nagmamay-ari ng isang upuan
Na pag may pagkakatao'y pinag-aagawan
Kaya naman hindi niya pinakakawalan
Kung makikita ko lamang siya ay aking sisigawan

Chorus:

Kayo po na naka upo,
Subukan nyo namang tumayo,
At baka matanaw, at baka matanaw na nyo
Ang tunay na kalagayan ko

Verse 2:
Mawalang galang na po
Sa taong naka upo,
Alam niyo bang pantakal ng bigas namin ay di puno
Ang ding-ding ng bahay namin ay pinagtagpi-tagping yero
Sa gabi ay sobrang init na tumutunaw ng yelo
Na di kayang bilhin upang ilagay sa inumin
Pinakulong tubig sa lumang takuring uling-uling
Gamit lang panggatong na inanod lamang sa istero
Na nagsisilbing kusina sa umaga'y aming banyo
Ang aking inay na may kayamanan isang kaldero
Na nagagamit lang pag ang aking ama ay sumweldo
Pero kulang na kulang parin,
Ulam na tuyo't asin
Ang singkwenta pesos sa maghapo'y pagkakasyahin
Di ko alam kung talagang maraming harang
O mataas lang ang bakod
O nagbubulag-bulagan lamang po kayo
Kahit sa dami ng pera niyo
Walang doktor na makapagpapalinaw ng mata niyo
Kaya...

Wag kang masyadong halata
Bato-bato sa langit
Ang matamaa'y wag magalit
O bato-bato bato sa langit
Ang matamaan ay
Wag masyadong halata (ooh)
Wag kang masyadong halata
Hehey, (Wag kang masyadong halata)
(Wag kang masyadong halata) 

Ampalaya (Ang Pilipinas 50 taon makatapos ng bagong Milenyo


ni Reuel Molina Aguila
Upang basahin ang kapalaran ng mga bayan,
kailangang buklatin ang aklat ng kaniyang kahapon.
At dahil diyan ay inuulit namin at uulitin kailanman, na,
samantalang may panahon ay lalong mabuting pangunahan
ang mga hangarin ng isang bayan kaysa pahinuhod; ang una’y
umaakit ng kalooban at ng pag-ibig; ang pangalawa ay
umaakit ng pagpapawalang-halaga at ng poot.
(Ang Filipinas sa Loob ng Sandaang Taon -
Jose Rizal)
1 Sarap na sarap sa paghahapunan ang pamilyang de la Cruz, isang gabing tikatik ang
ulan at ang simoy ng amihan sa mga unang araw ng buwan ng Pebrero ay naghahatid
ng nakapanghahalukipkip na lamig.
2 Sa liblib na baryong ito na lalong naging liblib dahil napag-iwanan ng mabilis na pagbabago ng mundo, ang munggong sinahugan ng ampalaya at tinambalan ng tuyo ay
langit nang masasabi.
3 “Heaven!”
4 Ganyan nga ang sinabi ng kabataang mountaineer na minsang nagawi sa pamilya
de la Cruz at nakisalo ng munggong may ampalaya. Matagal na raw siyang hindi
nakakatikim ng ganoong ulam.
5 Hindi iyon maunawaan nina Juan de la Cruz dahil pangkaraniwan lang na ulam nila
iyon. Pagkaing mahirap, wika nga. Laking tuwa nila nang abutan sila ng ilang de-lata
bilang kapalit sa munggo’t ampalaya.
6 Kaya’t sa tuwing ganito ang kanilang ulam ay naghahagikgikan ang pamilya de la Cruz
sa alaalang ito.
7 Hagikgikan pa sila nang hagikgikan dahil sa sinasabi sa radyo habang naghahapunan
sila. Hindi nila mapagtanto kung ano ang sinasabi ng announcer. Bargain sale daw sa
Super Tiangge Mall ng mga kasangkapan tulad ng teleponong nakikita ang kausap at
bombilyang 10 watts lamang pero kayang ilawan ang isang malaking plasa.
8 Sapagkat, ni koryente o linya ng telepono ay wala sila. Taong 2050 ay wala silang
koryente o linya ng telepono.
9 Nagkaroon kung sa nagkaroon ngunit pinutulan din ang buong baryo nang ang
karamihan dito ay hindi nakayanang magbayad.
10 Gapok at nakahilig na ang mga poste ng koryente; at ang mga kawad ay pinagkukuha
na nila para gawing sampayan o panali ng kung ano-ano.
11 Gayon ding nakatiwangwang na ang butas-butas na mga solar panel na ikinabit noong
bata pa si Juan. Donasyon iyon ng mga Aleman, limampung taon na ang nakakaraan,
noong bago magpalit ang taon sa kalendaryo mula sa panimulang disinuwebe tungo sa
dalawampu.
12 Tulong daw iyon upang hindi magdumi ang papawirin mula sa karbong ibinubuga ng
mga de-langis na plantang lumilikha ng koryente. Na, sa pagdami ng karbon sa
papawirin ay siyang nagiging sanhi ng pag-init ng mundo. At siya namang sanhi ng
pagbabago ng klima at panahon: wala sa panahong bagyo, panay-panay na tagtuyot,
at kainitang pati silang sanay nang mababad sa araw ay umaangal.
1. Ano ang kalagayan sa buhay ng pamilya ni Juan de la Cruz? Magbigay ng mga patunay.
2. Bakit kaya “heaven” para sa kabataang mountaineer ang ulam na ampalaya at tuyo, gayong
pangkaraniwan lamang ito sa pamilya de la Cruz?
3. Bakit naman sila tuwang-tuwa pagkabigay sa kanila ng mga de-latang pagkain ng mountaineer?
4. Batay sa mga impormasyong inilahad sa bahaging ito, ipaliwanag ang tagpuan ng kuwento –
saan at kailan ginanap ang istorya.13 Ngunit sa pagdalaw ng bagyong siya nga sanang nilulutas ng solar panel ay siya
namang pagkabutas-butas at pagkakalasog-lasog nito.
14 Sa tuwing nakikita ni Juan ang mga kalansay ng panahong iyon ay sumasagi sa kaniya,
bilang isang gising na bangungot, ang mga ritwal, takot, at pag-iimbak ng mga
pagkain dahil sa sunod-sunod na kalamidad na dumadalaw na siyang kinikilalang mga
signos ng katapusan na ng mundo; at paniwalang hatid ng pagbabago ng milenyo.
15 Tuyo na rin at tinabalan na ng damo ang mga poso, na kapag hinawan ang sukal ay
makikita pa sa semento ang mga pangalan ng nangampanyang meyor, gubernador,
kinatawan, bokal, at pangulo. Ang mala-lapidang talang ito ay parang isang punit na
pahina na siya na ring nagsisilbing tanging nakatalang kasaysayan ng baryong iyon.
16 Kaya nga’t napapahagikgik na lang sila sa tuwing nakakarinig sila ng mga balita
tungkol sa mabilis na pagbabago sa lungsod at sa ibang sulok ng daigdig.
17 Gaya ng iba pang produktong inaanunsyo ng announcer na kahit pa singkwenta
porsyento ang ibinaba ng mga presyo nito, dahil sa pagkawala ng taripa ayon sa
umiiral na pang-ekonomiyang kalakaran ng globalisasyon, ay hindi pa rin maabot ng
karaniwang mamamayan.
18 Sa radyo niya narinig ang mga mabibigat na salitang iyon hinggil sa pang-ekonomiyang
kalakaran, tuwing umagang bago niya harapin ang kaniyang mga pananim. Kaya’t
tuwing umaga nga, sa awa ng itinatagal ng baterya, pilit inuunawa ni Juan kung bakit
umuunlad naman ang ibang bansa, o kung bakit umuunlad naman ang Maynila ay lalo
naman yatang nahuhuli ang kanilang baryo.
19 Kalabaw pa rin ang gamit nila sa pagsasaka samantalang sinasabi rin sa radyo na
de-robot na ang pagsasaka sa ibang bansa.
20 Sinungaling marahil ang radyo. O, marahil hindi niya nasundang mabuti ang sinasabi
ng radyo dahil madalas maubusan siya ng baterya.
21 Pero sa radyo din niya narinig na ‘wag daw silang mag-alala. ‘Yan ang pangako ng
bagong pangulo, isang child actress noong magpang-abot ang mga milenyo na higit na
nakilala sa halos makatotohanang pagganap niya sa papel ng batang ginang-rape ng
kaniyang lolo, ama, at mga tiyuhin.
22 Pararatingin daw niya ang kaunlaran hindi lang sa Maynila, bagkus sa kaliblib-liblibang
sulok ng bansa, gaya ng kanilang baryo. Iyon ang pangako ng dating child actress.
23 Kaya’t ganoon ngang umaasa na lang sina Juan. Sapagkat, ano pa nga ba ang
kanilang magagawa kundi ang umasa na lang at magsikap sa araw-araw.
24 Ni hindi nga siya sumapi sa mga rebeldeng halos mag-iisandaang taon nang
nakikipaglaban ngunit hindi pa rin nagwawagi.
25 Sa ilang pagbisita sa kanila ng mga ito ay nakikipaghuntahan sila kay Juan at
ipinapaliwanag kung bakit paurong lalo ang takbo ng buhay sa kanayunan. Ito,
diumano ay sanhi ng globalisasyon na sinimulan noon pa mang dekada ’90 ng ika-20
siglo. At kaya nakalusot ang bagong kaayusang ito ay dahil sa imperyalistang hangarin
ng Estados Unidos, sa pakikipagkutsabahan nito sa naghaharing uri ng bansa sa
pangunguna ng mga panginoong maylupa at komprador-burgesya.
26 Kung anuman ang pinagsasabi sa kaniya ng mga taong labas ay hindi niya
maunawaan; na ‘yon din naman ang kantsaw ng matandang si Kadyo, 80 anyos at
dating aktibista sa kaniyang kapanahunan—na halos mag-iisandaang taon na ay iyon
pa rin ang uri ng pagsusuri ng mga rebelde sa lipunang Filipino.
27 “Sapagkat hindi po nagbabago ang kaayusang politiko-ekonomiya ng bansa,” ang
mariing ratrat ng batang gerilya.
28 “Ipasa-Diyos na lang natin,” ang sabi naman ng pari na taunan kung magmisa sa
kanilang baryo.
29 “Magbabago para sa kabutihan ang lahat,” ang sabi naman ng kandidatong meyor, na
anak ng dating meyor, na anak din ng dating meyor, na anak pa uli ng dating meyor, na
anak ng…
30 “Putris naman.” Ito ang sumasagi lagi sa isipan ni Juan tuwing nauungkat sa anumang
pagkakataon ang kaunlaran sa lungsod at ang kahirapan naman sa kanilang baryo.
31 Hanggang sa natutuhan na niya at ng kaniyang pamilya na maghahagikgikan na lang
sa tuwing nauungkat ang mga ganitong kaunlaran.
32 Para lamang daw iyang LRT sa Kamaynilaan na maigi ngang sa pagpasok mo sa isang
estasyon ay makakarating ka saan mang parte ng Maynila; ngunit ikot lang nang ikot at
hindi nakakaabot sa kanayunan.
33 Mahigit limampung taon na si Juan, halos kasintanda ng bagong milenyo; isang tunay
na magsasakang nabubuhay kahit paano sa kaniyang mga sinasaka, umaasa sa sarili
at walang pineperwisyo.
34 ‘Yan lang ang kaniyang maipagyayabang, na binuhay niya ang kaniyang pamilya,
walang-wala man sila. Sapagkat ganoon din siya binuhay ng kaniyang ama, kahit
walang-wala mandin sila.
35 Kaya’t nakakahimlay siya, sila, nang matiwasay tuwing gabi. Lalo pa ngayong
halumigmig ang hangin na pinag-init naman ng kaninang umaasong munggong may
ampalaya na hinapunan nila kanina.
36 At sila’y natulog nang mahimbing.

Tutubi tutubi, wag kang magpahuli sa Mamang Salbahe


Sa halip ang sinabi niya, “No, Jojo, you don’t understand. Bata ka pa kasi. Balang araw, kapag naging magulang ka na, maiintindihan mo rin ang sinasabi ko.” Ayaw ko ng logic niya, pirming siya ang matanda. Pirming siya ang tama. Pirming ako ang bata, kaya pirming ako ang mali, at pirming ako lang ang dapat matuto. Pero nakapagtatakang kami na kulang sa isip ang pirming hinahanapang maging tama. Bakit kaming kulang sa isip ang kailangang umunawa sa husto raw ang pag-iisip?


Sa pag-iisa, sa aming uri ng insecurity, bakit walang makaalalang magtanong kung ano ang iniisip namin? Kung sa paghahanap ng solusyon sa problema ay mali ang makuhang paraan, nagagalit sila. Paano naman ang gagawin namin sa mundo? Tumigil na lang basta sa paghinga? A, kay hirap mabuhay sa mundo na panay bawal, wala namang magturo ng tama. Kung sa pagtanda ko’y magiging kamukha ko rin sila, hindi bale na lang. Ayaw kong tumanda. Bawal maging pilyo. Mas lalong bawal maging seryoso. (Mag-i-idiot na lang ako.) Kamukha ngayon, daig ko pa ang napagkaisahan. Nagtatanong lang naman, pero nakakagalitan. 


Umiiwas sa kaguluhang hindi naman ako ang may kagagawan. Para na rin akong daga na tulirong nangangapa sa lungga. Ano ang gagawin ko sa aking sarili? Para rin akong may sakit na nakakahawa na hindi basta puwedeng lumapit sa kapwa.


Saan ba ako pwedeng magpasiya? ‘Yong kaluluwa ko, kargo ng pari. ‘Yong marka ko sa eskuwelahan, nakasalalay sa dulo ng pulang ballpen ng titser ko. ‘Yong gusto kong kurso, nakatali sa dulo ng bulsa ng tatay ko. ‘Yong kalayaan ko, kahit bahagya ko pa lang nagagamit ay pinutol na nila. Sila na rin ang nagbibigay ng bagong kahulugan noon, kahit hindi kami kinonsulta. Ano nga ba ang pakialam nila sa kapalaran ng mga hamak na estudyante. Kapirasong pangalang wala namang katuturan ang naiwan sa amin. Ni hindi magamit dahil hindi naman galing sa malaking tatak. Pamilyang walang sinabi, batang walang silbi. Ay naku. Gusto ko lang magtanong, gusto ko lang matuto, kasalanan na pala iyon at ang ayaw maniwala sa kanila’y nakakaligtaan. Hindi galit ng ama sa anak o ng Diyos sa tao; galit ng maligno, kahit saan ka magtago, hindi ka makakatakas.


Ayaw ko nang makinig sa mga usapang “noong araw” na hindi ko makita ang kabuluhan sa kasalukuyan. Ayaw kong maging ulyaning paulit-ulit ang sinasabi. Ayaw kong maging (mas) makulit. Ayaw kong maging inutil. Kay hirap ng maraming tanong sa buhay. Kay hirap ipanganak na “erehe” at “pilibustero” sa mundo. Kay hirap mapagsabihang bandido at terorista. Kay hirap maghanap ng kahulugan ng pangalan. Wala akong balak malagay sa pera ang retrato ko. Gusto ko lang may sumagot at makinig sa tanong ko. Di pangako ng baril, argumento ng bala, halakhak ng kanyon, ano pa? Lahat yata ng matanda, sarili lamang ang nakikitang mainam. ‘Yon lang kasing karansan nila ang kabisadong ikuwento. Pag iba na ang usapan, tulad ng halimbawa ng buntonghininga ng mga katulad ko sa mundo, hindi na sila interesado. Parang kami ang nag-uso ng salitang rebolusyon. Pag narinig ito, tumataas ang lahat ng buhok nila, pati sa kilikili, kaya bumabaho tuloy ang usapan. Saka magtatatalak, kami ang makakagalitan. Luma na ‘yon, tanungin mo si Bonifacio. Kung ayaw mong maniwala, e bakit nakikiselebrasyon ka sa araw ng mga bayani? Saka ba’t mo siya tinitingnan sa mga pera? Bugbog –sarado pag nahuli.Torture kapag ayaw umamin, firing squad kapag nakunan ng ebidensiya. Salvage kapag nakagalitgan, salvage rin kapag nakatuwaan. Kung magrereklamo pati kaluluwa mo, pati ito buburahan ng anino. Saan na ako pupunta, ano na’ng gagawin ko sa sarili ko?


Magbabad na lang kaya ako sa disco? Sayaw na lang kaya ang problemahin ko? Pero Iglesia ni Kristo naman ang mga paa ko, hindi marunong kahit na pandanggo. Tumambay na lang kaya ako sa mga kanto tulad ng ginagawa ng mga propesyonal na taong kanto? Ano naman ang gagawin ko roon, mag-abang sa pamumulaklak ng poste?


Ay naku ulit, pinipilit ko lang maging matino sa sarili kong paraan, wala pang kaubrahan. Hindi naman siguro ako ginawa ng sino mang gumawa para sa lang maging basta yagit. Wala rin akong balak maging kontrabida sa buhay. Marami lang talagang tanong ang isip ko na naghahanap ng kahit na kapirasong sagot. At sa lipunan, bago man o luma, maraming pikon.
Silang punot’t dulo ng problema ko ngayon, silang namamahala, kung totoong parang tatay at nanay sila, tulad nina Malakas at Maganda, bakit ibang klase silang magpatupad ng disiplina? Bakit hindi magkasya sa pangaral? Bakit hindi nila maintindihan na ang ginagawa lang naman naming mga kabataan ay bilang pagsasanay sa paghahanda sa aming kinabukasan? Kung dadaanin kami sa bugbog, di lalaki kaming mga tuliro. Kung kami na ang mga pinuno, paano magpapasiya ang isang hilo?


Akala mo’y hindi sila marunong mamatay. Kung sila nang sila, at kung wala na sila, paano naman kami? Kung mamana namin ang ugali nila, di kawawa ang susunod na henerasyon, kami na matanda na ang siya namang mambubugbog sa kanila. Bakit ayaw nilang matuto kaming makialam, makisangkot? Habang buhay bang tagapalakpak na lang kami sa mga talumpati nilang hindi naman sila ang gumawa? Dapat bang maging utak-sakristan lang kami na amen lang ang bokadurang lumalabas sa bibig kapag kinausap? Saka kung itinuturing kaming parang anak, bakit kami sinisiraan? Tatatawaging misguided elements, adventurists, communists, terrorists. Basta masama, kami. Basta tama, sila? Kung ganoon silang klaseng magulang, hindi na lang baleng maging ulila, ayaw kong sumali sa kanilang pamilya. Hindi baleng mabobo, tulad ng tingin nila sa aming mga aktibista, huwag lang maging baliw na tulad nila.


Bakit ba ganito, kapag makikinig ka sa usapan ng matatanda parang parating panahon lang nila ang mahalaga. Mahusay na estudyante, baka noong panahon ni Quezon. Mahusay na sundalo, baka noong panahon ng Hapon. Walang naaalala kung hindi “noong araw” (Parang sila ang una at huling Pilipino.) Saka idagdag din kung gaano kaganda ang kanilang panahon na hindi katulad ngayon, panay kahulugan. Parang kami ang umimbento ng salitang kahirapan at problema. At kami na bunga nito, na dapat unawain ang siyang nakagagalitan kapag napag-uusapan ang kamalasan. Sagana noong araw, pero bakit tayo utang ng utang sa mga dayuhan? Saka bakit kami ang tagabayad nito balang araw? Pakikinig ba sa matatanda sa Ilog Pasig ang solusyon sa mga problema? Baka kaya sila ay isang malaking problema? Parati silang tama, ang mga Mam at Sir at mga Gardonet , sila lamang ang tanging nakakaalam sa pagpapatakbo ng mga bagay-bagay sa mundo. Sila lamang ang may monopoly ng talino. Saka nila pilit palalakihin ang papel nila sa lipunan. Ipagpipilitan ang kanila, bakit hindi sila ang pakinggan at pamarisan? Sabagay, lahat naman yata ng matanda ay ganoon, ang kilala lamang ay ang sarili. Kahit saan mapunta ang usapan, ang halimbawa nila ay ‘yong tungkol sa sarili. Kahit saan mapunta ang usapan, ang halimbawa nila ay ‘yong tungkol sa sarili. Kung doktor ang kausap, sasabihin nitong iyon ang pinakamahusay na kurso ngayon. Ganoon din ang sasabihin kung mga titser o inhinyero ang tatanungin. Pero paano kaya makikinig kung ang kausap ay isang pulitiko o armado? E, kung armadong pulitiko? Di pangako ng baril, argumento ng bala, halakhak ng kanyon, ano pa? Lahat yata ng matanda, sarili lamang ang nakikitang mainam. ‘Yon lang kasing karansan nila ang kabisadong ikuwento. Pag iba na ang usapan, tulad ng halimbawa ng buntonghininga ng mga katulad ko sa mundo, hindi na sila interesado. Parang kami ang nag-uso ng salitang rebolusyon. Pag narinig ito, tumataas ang lahat ng buhok nila, pati sa kilikili, kaya bumabaho tuloy ang usapan. Saka magtatatalak, kami ang makakagalitan. Luma na ‘yon, tanungin mo si Bonifacio. Kung ayaw mong maniwala, e bakit nakikiselebrasyon ka sa araw ng mga bayani? Saka ba’t mo siya tinitingnan sa mga pera?


Ayaw ko nang makinig sa mga usapang “noong araw” na hindi ko makita ang kabuluhan sa kasalukuyan. Ayaw kong maging ulyaning paulit-ulit ang sinasabi. Ayaw kong maging (mas) makulit. Ayaw kong maging inutil. Kay hirap ng maraming tanong sa buhay. Kay hirap ipanganak na “erehe” at “pilibustero” sa mundo. Kay hirap mapagsabihang bandido at terorista. Kay hirap maghanap ng kahulugan ng pangalan. Wala akong balak malagay sa pera ang retrato ko. Gusto ko lang may sumagot at makinig sa tanong ko.

Pandesal


“Tinapay na may asin” ang literal na ibig sabihin ng Espanyol na pan de sal. Ang sangkurot na asin (sal sa Espanyol) marahil ang ikinatangi nito upang maging paboritong panghalili sa almusal ng isang bansang higit na nasanay kumain ng kanin.

Maliwanag na isang pamana ng kolonyalismong Espanyol ang pandesal. Ni hindi nagtatanim ng trigo ang mga Filipino nang dumating ang mga Espanyol noong ika-16 dantaon. Subalit kailangang ipag-utos ang pagmasa ng galapong na trigo para gawing tinapay dahil ito ang nakamihasnang pagkain ng mga mananakop. Bukod pa, gawa mula sa pinakapinong arina ang ostiyang Kristiyano.

Bukod sa pandesal, nahilig ang mga Filipino sa ibang tinapay bilang meryenda at siyempre pa’y naging kakompetensiya ng katutubong kakanin at puto. Naging popular ang ibang tinapay kaugnay ng mga pistang panrelihiyon. Halimbawa, ipinasok ng mga Espanyol ang pagkain ng tinapay tuwing Setyembre 10 sa mga parokyang patron si San Nicolas Tolentino, isang ermitanyong Italyano at kasapi ng ordeng Agustino. Karaniwang inilalarawan siyang nakadamit ng itim at may hawak na liryo. Kung minsan, may hawak siyang bulsikot o piraso ng tinapay na sumasagisag sa kaniyang patuloy na pagtulong sa mga maralita hanggang mamatay siya noong 1306.

Sa Filipinas, itinuturing na patron ng mga panadero si San Nicholas. Sa kaniyang pista binabasbasan ang pan de san nicolas, isang uri ng panecito, na pinaniniwalaang nakapagpapagaling ng karamdaman.

Mga Tsinong bihasa mula pa noong panahon ng dinastiyang Sung sa paggawa ng pinasingawan at hinurnong tinapay ang unang nangasiwa sa mga hurnong Espanyol sa Intramuros. Hindi kataka-takang mga Tsino ang unang sumikat na may-ari ng panaderya sa Maynila at sa mga poblasyon sa probinsiya.

Isa namang paborito tuwing Pasko ng Pagkabuhay, Todos los Santos, at Pasko ang matamis at mamantekilyang ensaymada. Winisikan lamang ng puting asukal ang tradisyonal na ensaymada. Nadagdag ang kinudkod na keso, karaniwang Eden, nitong Peacetime sa Maynila. Bago magkadigma sinasabing ipinasok ang pagpapalamuti ng itlog na pula at kesong puti sa ensaymada ng Malolos, Bulacan.

Samantala, bukod sa tradisyonal na galyetas at biskuwit, napuno ang estante ng panaderya sa iba’t ibang tinapay na may sari-saring palaman at pampalasa. Maituturing na Filipino ang mga tinapay na may lahok na niyog at saging. Hindi rin nanatili sa almusal kasama ng kape ang pandesal. Ibinabaon itong sandwits, gaya ng naging turing sa mahigpit nitong kalaban—ang pan amerikano, isang mahaba, malambot, at tinitilad na tinapay, na naging popular nitong panahon ng Amerikano.

Naging pamantayan din ang pandesal ng ekonomyang pambansa. Itinuring ang patuloy nitong pagliit bilang patunay na tumataas ang presyo ng inaangkat na arina, at samakatwid, na humihina ang halaga ng piso. Naging pagkakataon naman ito sa naging malakas na benta nitong dekada 70 ng hot pandesal—na maliit nga ngunit dahil sa bagong teknolohiya’y napananatiling laging mainit.

Paglisan Ng Tsina

ni Maningning Miclat
(1) Isinulat ko ang una kong tula “Isn’t It?” noong high school. Labing-isang taong gulang
ako noon. Nakakatuwa iyon, ang saya ko. Nakasulat sa malayang taludturan, nakilala ko
na mayroon pala akong indayog. Nang mabasa ng mga kaibigan ko, sinabi nila na walang
katuturang tula daw iyon at tinawag ko nga na tula ng kawalang katuturan.
(2) Katawa-tawa ang panahong kinalakhan ng henerasyon ko sa Tsina. Hindi
naapektuhan ng Rebolusyong Pangkultura ang tadhana namin. Wala noong
consumerismo na tutukso sa aming mga hangarin, ni hahamon na paninindigan namin
sa Sosyalismo. Dapat kaming maging Spartan. Dapat makakuha kami ng mataas na grade
para makapasok sa magandang eskuwela.
(3) Alam naming lahat na ang mga senior student sa eskuwela namin na nakatira sa
dorm ay lumalabas sa kalsada kapag oras nang patayin ang mga ilaw para makapagaral
sa ilalim ng poste. Marami kang hahangaan doon. May isa akong kaklase na
makapagrerecite nang paabante at paatras sa buong nobelang Water Margin. Marunong
magkaligrapiya at magpiano ang isa kong pinakamatalik na kaibigan sa klase, kaya
kung maglalakad siya at maramdamang hindi tama ang lakad niya, babalik siya sa
pinanggalingan sa paniniwalang “practice makes perfect”.
(4) Pagkatapos ng klase, magkasama kaming maglalakad papuntang bus stop; at ang
tagal-tagal naming makarating sa bus. Paulit-ulit naming iwinawasiwas pataas ang aming
kanang kamay dahil baka mahulog ang iniimagine naming relo. Noon nadevelop ang
ilang kakatwang manerismong dala ko pa hanggang ngayon. Ang maganda nito, hindi
ako ngayon nahihirapan sa ginagawang rebisyon ng mga sulat dahil sa munting ehersisyo
ng pagpapabalik-balik-lakad na ginagawa ko noon sa Beijing.
(5) Marami akong isinusulat at binabasa habang nagkaklase – sa ilalim ng desk. Pag-uwi,
sumasakay ako sa swing sa laguwerta namin. Ganoon ko pinananatili ang
nararamdamang indayog para sa aking malayang taludturan. Noon ako nag-umpisang
mangarap
na maging makata at pintor balang araw.
(6) Nang matapos sa junior high school, na halos kasunod ng EDSA Revolution sa
Filipinas, bumalik na kaming mag-anak sa eskuwela. Hanggang kunin ako ng ICM sisters
ng St.
Theresa’s College. Nailathala naman ako sa student page ng World News, pahayagang
broadsheet ng komunidad Tsino sa Filipinas. Pagkatapos, nagtrabaho ako bilang isa sa
mga translator ng balita sa diyaryong iyon, nag-atubili, at huminto. Pero nalatha pa rin
ako; nagkaroon ng promoter ng mga trabaho o sa literary page, sa katauhan ng isang
makata-photographer-businessman, si G. James Na.
(7) Nag-umpisa akong dumalo sa workshop ng tula sa Filipino, na ginaganap sa Adarna
House, tagapaglathala ng mga aklat pambata. Pagkatapos sa Rio Alma Poetry Clinic,
natanggap akong kasapi ng LIRA, isang grupo ng mga kabataang makata sa Filipino.
Ako ang pinakabata noon. Iniindex ko pa ang mga salita noon sa diksyunaryong Tagalog
para makapagtugma, dahil wala naman akong makitang rhyming dictionary sa Filipino.
Kadalasan ay nagsusukat ako ng pantig para mabawasan ang mga mali ko sa wika.
(8) Nang panahong iyon, nagsusulat pa ako sa Tsino habang nag-aaral ng Filipino.
Samantala, binabasa ko sa pagitan ng mga linya ang mga liham na natatanggap ko mula
Tsina.
(9) Katagalan, matagal na matagal, pagkatapos ng crackdown sa Tian An Men, ipinadala
sa akin ng kaklase ko sa high school ang librong Tuanang Singsing na Luntian na inilathala
ng Palimbagan ng Beijing. Kalipunan iyon ng mga sanaysay na isinulat ng mga freshman
ng Unibersidad ng Peking noong magtraining military sila sa Kampo Shijachuang bago
pasimulan ang kanilang regular na klase sa kampus.
(10) Isinulat sa akin ng kaibigan kong may artikulo sa libro: “Ipinakikita ng librong ito, sa
napakatanging punto de bista, ang buhay namin noong mismong taong iyon, at
mararanansan mo dito ang pagsasama ng paglikhang pampanitikan at propagandang
pampolitika, lalo na sa military.”
(11) Naniniwala ako na nalampasan nang maluwalhati ng lahat ng kaibigan ko sa Tsina
ang 1989. Freshman ako sa kolehiyo sa UP Baguio nang maganap ang crackdown.
Huminto ako ng pagpapalathala sa World News matapos makitunggali sa isang huling
sanaysay at ilang tula sa Tsino. Pagkatapos, ipinasiya kong hindi na ako taga-Tsina, hindi
ko na wika ang Tsino.
(12) Doon natapos ang isang panahon.

Pork Empanada


Madalas ka ba sa Katipunan?
Siguro’y nakita mo na ang Frankie’s Steaks and Burgers, sa tabi ng bagong Cravings, malapit sa Lily of the Valley Beauty & Grooming Salon. Kung nakita mo na iyon, nakita mo na rin siguro si Bototoy.
Lunes hanggang Sabado, inaakyat ni Bototoy ang liku-likong landas mula Barangka hanggang service gate sa likod ng Ateneo Grade School, kasama ng tatay niyang maintenance engineer sa paaralan at ng mga kalaro niyang sina Nono, Itoc, at Radny. Karamihan sa mga batang umaakyat doo’y humihimpil sa malawak na covered court ng College, sa tabi ng Our School, malapit sa Obesrvatory, kung saan sila nagaabang ng magba badminton at tennis na tatawag ng pulot boy. Si Bototoy naman ay hindi humihimpil doon. Lalakarin niya ang malayu-layo pang Gate 2, at doon ay tatawid siya sa Katipunan, upang maupo sa sentadong island sa harap ng Frankie’s Steaks and Burgers. Natatandaan mo na ba siya?

Anim na taong gulang si Bototoy. Ahit ang kaniyang ulo maliban sa tumpok na buhok sa ibabaw ng kaniyang noo. Mabilog at masigla ang kaniyang mga mata. Mabilog din ang kaniyang pisngi, lagi siyang nakangiti, at mayroon siyang mga ngipingkuneho. Suot-suot niya’y kamiseta’t shorts at sandals na Happy Feet na laging kupas at maluwang, pagkat pinaglakhan ng kaniyang mga kapatid. Maliit si Bototoy, kaya’t di siya humihimpil sa covered court. Doon ay lagi siyang nauunahan sa pagpulot ng bola nina Nono at Itoc at Radny at ipa pang batang barangkang higit na maliksi at higit na malaki sa kaniya. Kaya nga’t isang araw ay napadpad siya sa harap ng Frankie’s Steaks and Burgers, at doon ay nagkusa siyang mag-watch-your-car. Kaniya-kaniya ang lugar na iyon, pagkat ang ibang bata’y nasa harap ng Shakey’s at ng Jollibee at ng McDonald’s at ng Kentucky’s, sa iba pang mga bahagi ng Katipunan, kung saan marami at sunud-sunod ang pumaparadang sasakyan. Bagamat mangilan-ngilan nga lamang ang tumitigil sa harap ng Frankie’s ay kuntento na si Bototoy – kahit kung minsan ay hindi siya inaabutan ng kahit singko, at kung minsan ay hindi siya pinapansin, at kung minsan ay binubulyawan pa siya ng may-ari ng sasakyan.
Kung mahina ang raket ay magdamag siyang nauupo sa sementadong island sa harap ng Steaks and Burgers, na parihaba niyang trono, maalikabok tuwing tag-init at tuwing tagulan ay maputik. Ngayon – naaala’la mo na ba siya?
Labing-isa ang kapatid ni Bototoy – ang apat na panganay ay nagsipagasawa’t mayroon nang pamilya. Ang sumunod pang apat ay nagtapos ng hay iskul at kasalukuyang iginagapang ang pag-aaral ng tatay nilang maintenance engineer at ng nanay nilang hilot. Ang sumunod na dalawa’y nasa elemetari pa. Si Bototoy at ang bunsong si Nining ay pinagpasiyahang huwag munang pag-aralin, pagkat libre man ang matrikula’y sakit ng ulo ang pambili ng gamit at kasangkapan sa mga prodyek. Paboritong kapatid ni Bototoy si Nining.
Tuwing papanaog sa Barangkang kasakasama ng tatay at mga kalaro, bago umuwi’y nagdaraan siya sa tindahan ni Aling Rory: sa gaano mang kaliit na kinita sa pagwa-watch-your-car ay ibinibili niya ang bunso ng kahit na anong munting pasalubong: isang supot na Oishi o Ding Dong o Tomi, o dalawang balot na Choc-Nut o Kripy Bar o Cloud 9, o tatlong pirasong White Rabbit o Snow Bear o Judge. Saka lamang siya papasok at susuot sa pasikut-sikot na looban, tungo sa kanilang tinitirhan. Sa may poso pa lamang ay tanaw na niya ang malinggit na si Nining, nakaupo sa may pintuan, naghihintay, nakadamit at sadals na Happy Feet na kupas at maluwag din, ang mga mata’y mabilog at masigla rin, ang mga pisngi’y mabilog din. Nakangiti. At tulad niya’y mayroong mga ngiping-kuneho.
Pagkatapos maghapunan ng patis at kangkong, o kung minsa’y bagoong, sina Bototoy at Nining ay tumutulong sa nanay sa pagtitiklop ng sinampay, pagkatapos ay nakikipanood ng telebisyon sa kapitbahayna sina Aling Mela. Bago mag-alas-otso’y pinapapanhik na sila, kaya’t naglalaro’t naghuhuntahan na lamang sa magkabila ng maliit nilang kahon ng mga laruang plastik.
“Bukas, Kuya, ano’ ’uuwi mo?” laging tanong ni Nining.
“’Di ko sasabihin, sorpresa,” lagi namang sagot ni Bototoy.
“Marami’ klase’ kendi?”
“Maraming-marami. ’Pag marami’ ’ko’ makuha’ pera, mas marami’ ’ko’ mabibili.”
“Kuya, sa’n ka ku’kuha’ pera?”
“Sa Katipunan. Don ako nagtatrabaho.”
“Do’n sa trabaho ni Tatay?”
“Hindi, mas malayo pa. Tatawid ka pa. Mi’san, kung gusto mo, ‘sasama kita.”
“Gusto ko, Kuya.”
At tulad ng dati, magbibida si Bototoy tungkol sa kaniyang pagwa-watch-your-car sa harap ng Frankie’s. Tungkol sa mga taong nagagawi roon. Tungkol sa kanilang mga kasuotan. Tungkol sa kanilang mga sasakyan. Tungkol sa minsa’y nag-abot sa kaniya ng limang piso.

Si Nining ay mangangarap ng kendi at damit at laruan. At si Bototoy naman ay mangangarap nng pagbabantay ng pagkarami-raming sasakyan, sa harap ng Frankie’s Steaks and Burgers, sa Katipunan. Madalas ka ba roon?

Siguro’y narinig mong tunay na masarap ang pagkain doon. Taga-Mabalacat ang may-ari at ubod ng linamnam ang kaniyang tenderloin at t-bone at spare ribs at Hawaiian at Salisbury at a la pobre at beef teriyaki at tocino at skinless at tapa at arroz a la Cubana, na laging hanap-hanap ng nagsisidayo roon. Maliit at makitid ang puwesto, ngunit malinis at naka-aircon. Nakagigiliw sa paningin ang mga ilaw na pendiyente sa ibabaw ng mga mesa, at laging may masayang tugtugin. Sa tabi ng kaha, may lata-latang turrones de casuy at basket-basket na petit fortunes at gara-garapong yemas at balotbalot na espasol at bote-botelyang garlic peanuts.

Pero iisa ang pambato ng Frankie’s Steaks and Burger – di lamang sa mga regular na parokyano kundi sa lahat ng nagsisidaan, pagkat sa tabi ng pintuang salamin ay may aluminyum na bintanang pan-take-home, at sa ilalim ng bintana’y may makulay na paskil na tinitikan ng pentel pen na pula at asul sa isang parisukat na pirasong dilaw na kartolina:

FRANKIE’S ESPECIAL

PORK EMPANADA
P 10.50

Nakakain ka na ba ng pork empanadang iyon?
Uma-umaga, tangha-tanghali’t hapon-hapon, di iilan ang nagsadya sa Katipunan at tumigil sa harap ng Frankie’s at kumatok sa bintana at nag-order ng pork empanadang iyon: isa-isa, dose-dosena, grosa-grosa – pambaon, pangmeryenda, panregalo, panghain sa bisita. Di rin iilan ang nag-order at doon mismo kumain, kung hindi sa tapat ng bintana’y sa harap o gilid ng munting restawran, at kung hindi sa harap o gilid noon ay sa nakatigil nilang sasakyan. Lagi silang pinanonood ni Bototoy, nakatuntong sa sementadong island, tahimik at nag-iisa.

Minsa’y isang binata at isang dalaga ang nagparada ng Galant, at nag-order ng pork empanada at Coke, at doon nagpalamig sa loob ng sasakyan.
“Bos, watsyorkar,” magalang na mungkahi ni Bototoy, na winalang-bahala lamang ng dalawa, palibsahang may masayang biro silang pinagtatawanan. Muling naupo si Bototoy sa sementadong island. Pagkat bukas ang bintana ng Galant, dinig ni Bototy ang kanilang usapan habang sila’y kumakain, maging sa kaniyang kinauupan:
“I always buy this, it’s so ‘sarap,” sabi ng dalaga.
“’Galing the crust,” sabi ng binata.
“Yeah, it’s so manipis and it’s so malutong, ‘di ba?”
“When you bite it, it’s like manamis-namis.”
“This one’s really, really, really may Tita’s favorite. She’ll go out and make lakad just to buy. It has giniling with no taba, and bacon bits, and chips, and raisins, and water chestnuts, and chopped onions and carrots, and grated cheese. So diff’rent from the commercial ones you buy in other places, how harang, it’s all potatoes and it’s so maalat and it tastes like flour.”
Matapos magmirindal ay hinagis nila sa labas ang mga basyong plastik, na matapos inuma’y kinuyumos muna’t pinilasan, at ang mga pirasong wax paper na pinagbalutan ng empanda, at ang manipis na sorbelyeta.
Sabi ni Bototoy sa kaniyang sarili, “Pag yumaman ako, kakain ako no’n.”
Pinagmasdan niya ang dilaw na paskil, at ang aluminyum na bintana, at ang weytres na naroo’t nag-aayos ng bunton-buntong pork empanadang nangagkabalot ng wax paper sa mga plastik na bandeha.
Sinuksuk ni Bototoy ang isa niyang kamay sa kaliwang bulsa ng maluwang niyang shorts: doo’y may dalawang beinte-singkong bagol. Sinuksik ang kabila sa kanang bulsa: isang diyes, tatlong singkol, dalawang mamera. Matagal-tagal pa, at marami pang sasakyang babantayan, bago si makabili ng kahit isang pork empanada.
Kung sana’y malaki-laki lamang siya, nang makapag-pulot-boy sa covered court, o kaya’y makapangagaw ng iwa-watch-your-car sa harap ng Shakey’s at ng Jollibee at ng McDonald’s at ng Kentucky’s!
Tatlong piso at kuwarenta sentimos lamang ang kinita niya sa buong maghapon. Nang sunduin niya ang tatay niysa sa Maintenance Department ay tahimik siya’t malayo ang tingin. Kagyat na naisip ng tatay niya’t mga kalaro kung siya’y nadapuan ng sakit, ngunit dahilan niya’y napagod lamang siya sa kawa-watch-your-car sa harap ng Frankie’s. Sa tindahan ni Aling Rory ay matagal niyang pinagmunimunihan ang ipapasalubong sa bunsong kapatid. Nakuntento siyang bumili ng isa balot na ruweda.
May dalawang piso’t labimpitong sentimo siyang natitira – imbes ibili ng lastiko o holen o teks o ihulog sa alkansiya ng nanay ay maitatabi niya. Bilang simula ng kaniyang pagiipon. Noong gabing iyon, bago ganap na makatulog ay nanagimpan siya ng masarap na buhay na walang takot at walang pagod at walang sakit at walang kakulangan sa pera at walang problema, at sa pinilakang tabing ng kaniyang diwa’y kasama niya si Nining, at sila’y nagbibiruan, at sila’y nakasakay sa isang (maliit, mangyari’y panagimpang-bata) Galant, at sila’y nagparada sa harap ng Frankie’s, at sila’y nag-order ng pork empanada at Coke, at doon sila nagpalamig sa loob ng sasakyan.
Pagdilat niya’y maliwanag na sa labas, at yinuyugyog siya sa balikat ng tatay niya.
“Toy – sasama ka ba?” dinig niyang bulong ng tatay niya.
“Opo,” tugon niya, bagamat talos niya na sa umagang iyon ay manghuhuli sina Nono at Itoc at Radny ng alupihang-dagat sa San Roque, at noong makalawa lamang ay naghanap siya ng malinis na basyo ng Ligong paglalagyan, at nagpaalam siya sa nanay.
Dalawang piso lamang ang kinita niya noong araw na iyon, kayat sa tindahan ni Aling Rory ’y higit pa siyang nagmunimuni bago nagpasiyang bumili ng apat na pirasong Tootsie Roll, na siyang pinasalubong niya kay Nining. Ang basyo ng Ligong ginawa niyang sisidlan ng sinsilyo’y kaniyang nadagdagan – nang kaunti lamang, gayunpama’y nadagdagan. Inalog niya iyon at pinagmasdan. At inisip na sa loob ng sanlinggo’y maaaring mangalahati na ang laman niyon. At inisip din na sa loob ng isang buwan ay makabibili na siya ng pork empanada. At muli niyang inalog at pinagmasdan.
“Nag-iipon ako, Nining,” pagtatapat niya sa bunsong kapatid, bago niya ibinaon ang basyo sa ilalim ng maliit nilang kahon ng mga plastik na laruan. “’Pag marami na ’ko’ pera, bibili tayo’ empanada. Masarap iyon.”
“Parang litson, Kuya?” usisa ni Nining.
“Mas masarap. Mayayaman ang kumakain no’n.”
“Sa bertdey ko, Kuya?” usisang muli.
“Oo. ’Pag marami na ’ko’ pera. Kakain tayo do’n.”

At sandaling nagliwanag sa isip ni Nining ang larawan ng sari-saring maririkit na kainan, na madalas nilang matanaw ng nanay mula sa mga dyipni at bus na kanilang nasasakyan.

Tulad ng maraming kainan sa Katipunan, hindi ba?

Tulad ng mga kainan doon na hinihimpilan ng mga batang watch-your-car. Sa harap ng Shakey’s, at ng Jollibee, at ng McDonald’s at ng Kentucky’s at ng Frankie’s Steaks and Burgers.

At Isa si Bototy sa mga batang iyon, kaya’t siguro’y nakita mo na siya. Pagkat kinabukasa’y naroroon na naman si Bototoy, naghihintay at nagbabantay. Uma-umaga, tangha-tanghali, hapon-hapon. Nakilala niya ang mukha ng pagtitiyaga at ng pagtitiis, at ng pagsisikap, at ng pag-aasam, at ng pagbabakasakali. Ng ginhawa ng pagpanhik sa bahay na may bulsang puno ng sinsilyong kumakalansing. Ng lungkot ng pagkaalat, ng paghiga sa banig na malakas ang pagnanasang makabawi kinabukasan. At kinabukasan pa. At kinabukasan na naman. At kinabukasang muli. Datapuwat sa pagdaan ng mga araw, ang sisidlang basyo ng Ligo’y nangalahati rin, at dumami ang nilalaman. Nang bilangin ni Bototoy ang sinsilyo’y umabot na sa beinte-uno, at maibibili na niya ng pork empanada para sa kanilang dalawa ng bunsong kapatid.

“Bukas tayo bibili,” malapad na ngiti ni Bototoy. Naghagikgikan sila at nanggigil sa tuwa, at nagsilitaw ang kanilang mga ngiping-kuneho.
Madaling-araw pa lamang ay gising na gising na ang magkapatid. Nagbihis si Nining ng kaisa-isa niyang barong panlakad – kulay-koton kendi at may kuwelyong maypalibot na kulay-sapin-sapin at malaking lasong kulay-koton kendi rin – na binibihisan lamang tuwing may binyag o kasal o pistang-bayann o simbang gabi o dalaw-aginaldo.
Nagpulbos siya’t nagsuot ng hikaw niyang plastik at hugis-bituin. Si Bototoy naman, pagkat walang sariling maayos na panlakad ay nagsuot pa rin ng maluwang niyang shorts, at ng kamisetang may dibuhong kupas na oso at mga titik na “so happy summer day be many friends”, na hiram sa nakatatandang kapatid.
“Papasyal ang dalawa, ha,” biro ng nanay nang sila’y paalis na.
“’Be-bertdey parti kami Kuya,” masayang bitiw ni Ninging, at humawak siya nang mahigpit sa kamay ni Bototoy.

Inakyat nila ang liku-likong landas mula Barangka hanggang service gate sa likod ng paaralan, kasama ng tatay nila at nina Nono, Itoc, at Radny. Nagdaan sila sa covered court, at nilakad ang malayu-layo pang Gate 2, at doon ay tumawid sila sa Katipunan, patungong Frankie’s Steaks and Burgers.

Samatala’y malihis muna tayo. Kung madalas ka nga sa Katipunan, at kung nakita mo na nga ang Frankie’s Steaks and Burgers, at kung nakakain ka na nga ng Frankie’s Especial Pork Empanada, nakita mo na rin siguro ang weytres na madalas matoka sa aluminyum na bintana roon.

Noong umagang iyon ay muling gumising nang may toyo sa utak ang weytres. Noong kasing nakaraang linggo at nagsara sila ng kainan, nang magbilangan ng pera’y natuklasang kulang ng beinte-uno ang kabuuang bayad sa empanada. Sinabunan ng may-ari ang weytres sa pagiging burara, at pinaghinalaan pang nangupit ng dalawang empanada. Bagamat di siya inawasan ng sahod, labis na dinamdam ng weytres ang pangyayaring iyon. Totoo ngang siya’y burara – bukod sa suplada at masungit at laging nakaismid – ngunit sa pangungupit ng empanada’y wala siyang kasalanan.

Noong umagang iyon, nang ipasok ng nagdedeliber ang mga kahon ng sariwang empanada, isa-isa yaong binuklat ng weytres, at ang nilalaman ay maingat niyang binilang. Inayos niyang bunton-bunton sa mga plastic na bandeha. Dinala’t pinatong sa pasemano ng aluminyum na bintana. At hinugot ang drower sa ilalim ng bintana, upang ilabas ang librito ng mga resibong puti at rosas at pirasong carbon paper at bolpen na matagal nang nawawala ang takip (at bunga ng kaniyang pagiging burara).
Noong umagang iyon – bago dumating sina Bototoy at Nining – ang nalalabing mga resibong puti sa librito’y naubos. Muling hinugot ng weytres ang drower sa ilalim ng bintana – sa sulok kasi niyon ay may nakasalansang mga buong librito. Nang humila siya ng librito, dalawang empanada ang nasagi ng kaniyang kamay. Nangakabalot pa ng wax paper, ngunit papanis na – noong nakaraang linggo’y nahulog sa drower at natulak sa loob (na bunga rin ng kaniyang pagiging burara).
Nakaramdam ng inis ang weytres. Naalala niya ang masasakit na salitang bitiw ng may-ari ng kainan, at ang paghihinala nitong nangupit siya ng empanada. Nakaramdam din siya ng itim na gala – galak ng paghihiganti, at galak ng pagwawagi.
Napaisip ang weytres. Hawak-hawak niya ang mga empanada sa kaniyang mga kamay: parang dalawang shoulder pads ng blusang dapat niyang tubusin sa mananahi mamayang gabi. Parang dalawang malalaking kwei, mga pulang kahoy na pinahagis sa kaniya sa templong Tsino, minsang samahan siya ng kaibigan upang magpahula ng magandang hanapbuhay.
Nang sandaling iyon ay may kumatok sa aluminyum na bintana, at pagsungaw ng weytres ay may dalawang maliit na batang naroroon, nakatingala sa kaniya, mabibilog at masisigla ang mga mata, mabibilog din ang mga pisngi, nakangiti, at may mga ngipingkuneho.
“Pabili po ng dalawa’ empanada,” bati ng batang lalaki.
At bilang kaganapan ng itim niyang galak ay kinuha ng weytres ang beinte-unong abot-abot ng bata, at iyon ay lihim niyang binulsa, iniabot naman niya ang dalawang lumang empanada.
“’Upo tayo, Nining,” ngiti ni Bototoy, dala-dala ang kanilang kakanin. Upang di marumhan ang damit ng kapatid ay pinagpagan niya ng alikabok ang isang bahagi ng sementadong island. Naupo silang magkasiping, nagngingitian, naghahagikgikan at nanggigigil sa tuwa.
“Dito ‘ko nagtatrabaho,” pagmamalaki ni Bototoy, at pinagmasdan ni Nining nang buong pagmamangha ang kanilang kapaligiran. Maingat nilang binuklat ang wax paper, at masayang tiningna ang mga empanada, at masaya yaong sinubo, at kinain nang marahan upang namnamin ang lasa’t di nila agad maubos.

“Kaka’nin mo’ balat, Nining, kasi malutong,” bilin ni Bototoy,

“Masarap, Kuya.”

“Masarap.”

Sa Katipunan, patuloy na nagdaan ang mga sasakyan, mabilis at mabagal..